Marahil ay kapansin-pansin ang biglang pagsulputan ng mga makabayang pananamit na sinimulan ni Ka-Pidro. Nariyan ang TEAM MANILA na sadyang napakahusay sa kanilang ideya; pagsuotin ba naman ang ating mga pambansang bayani ng nausong aviator shades. Mahusay at nakakabilib, kahanga-hanga talaga! Gawing klas ang fish balls at dirty ice cream at marami pang iba. Lumabas na rin ang Three Stars and a Sun ni G. Francis Magalona. Nariyan pa ang I HEART MANILA. Aabutin tayo ng siyam-siyam kung babanggitin pa ang lahat. Ang KAMOTE ay isa ring makabayang pananamit, subalit, ito ay naiiba dahil hindi ito tulad nila na may disenyong PILIPINAS.
Bago nauso gamitin ng pangkarniwang mamamayan ng Pilipinas ang KAMOTE, KWAN ang sinaunang binibigkas ng sambayanan. Ginagamit o binibigkas ang KAMOTE kapag ang isang Pilipino ay may nakalimutang pangalan o nagagalit, naiirita, nabablanko o natutuwa. Mayroong pagkakataong nagagamit ang KAMOTE kapag ika'y nagagalit, imbis na "T@nG!N$ ka!", maaaring bigkasin nalang "KAMOTE KA!!!" o di kaya'y "Haaaay... KAMOTE!". Marami pang gamit ang salitang KAMOTE tulad ng, "Ano nga ba ang pangalan ni KAMOTE?", "Nangangamote ka ba sa eskwela?". Ilan lang iyan sa mga pagkakataong ginagamit o binibigkas ang salitang KAMOTE.
Sa mga Pilipino, bata man o matanda, babae man o lalake, bakla man o tomboy, may trabajo man o wala, may kanya-kanyang tawagan ang magkakaibigan. Mayroong, DUDE, PARE, CHONG, 'TOL, CHIEF, PARDS, GIRL, 'TE, MOTHER, TITA, LOLO, LOLA at marami pang iba. KAMOTS (mabilis na pagkabigkas at hindi malamya na parang maraming kang kati sa katawan) ang tawag naman ng iba.
Ilan lang iyan sa mga nabanggit ang gamit o ang pagbigkas ng KAMOTE. Ang KAMOTE ay gawa ng Diyos kaya lahat ay KAMOTE!
Ikaw, ano pa sa tingin mo ang maaaring gamit pa ng KAMOTE? Pamalit sa NFA rice ni PGMA? Pamalit sa French at Twister Fries ng MCDO? Mashed KAMOTE with Gravy?
Hmmm...